Wednesday, July 25, 2007

Gringo, duda kay Erap

Ulat ni Louis Fojas/Jorie Montano
WEDNESDAY · JULY 25, 2007

Umusbong ang pagdududa ni Sen. Gringo Honasan sa sinseridad ni dating Pangulong Joseph Estrada na pamunuan nito ang hanay ng oposisyon matapos na lumutang na mayroong naganap na usapan sa pagitan ng Malacañang at ng dating pangulo para mahati ang puwersa ng oposisyon noong 2004 elections.
Ayon kay Honasan, maaga pa ay nararamdaman na nila na mayroong ganoong kaganapan, bagama’t wala naman siyang personal na pagkakaalam na nag-usap nga ang dating pangulo at ang emisaryo ng Malacañang para mabiyak ang oposisyon.
"Kung pagtugma-tugmain baka may pinagmulan ito, sinasabi ko lang pero hindi ako nag-e-speculate, isang agam-agam na baka nga mayroong naganap na ganoong usapan," paliwanag ni Honasan na tumayong chief security ni FPJ sa naturang halalan.
Nauna rito ay kumalat sa internet ang binansagang "Hello Erap" scandal hinggil sa naging pakikipag-usap ni dating Pangulong Estrada sa isang influential person ng Malacañang upang pahinain ang puwersa ng oposisyon, kapalit ng paglusot ni Sen. Jinggoy Estrada sa senatorial elections noong 2004.
Base sa transcript ng diumano’y conversation ng dalawa na naganap noong Abril 19, 2004 sa kasagsagan ng selebrasyon ng kaarawan ng dating pangulo sa Tanay, Rizal, pinagbilinan umano ng influential person sa Malacañang si Estrada na siguruhin na hindi magkakaisa sina FPJ at Sen. Panfilo Lacson.
"Boss, papunta na raw po diyan si Ping at si Da King. Ikaw na ang bahala sa amin ha. Dapat hindi sila magkasundo...Alam n’yo naman medyo mabigat pag nagkasundo sila," pakiusap umano ni influential person kay Estrada.
"Oo, huwag kang mag-alala. Ako ang bahala. Basta wag mong pababayaan si Jinggoy ha," sagot umano ni Estrada sa kanyang kausap.
Mariin itong itinanggi ni Sen. Estrada at sinabing maaaring bahagi lamang ito ng paninira sa oposisyon.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel na may narinig na rin siyang ‘tsismis’ hinggil sa sinasabing "Hello Erap" scandal. Gayunman, ayaw munang magbigay ng komento ng senador hinggil dito.
Sinabi naman kahapon nina Sens. Francis Escudero at Loren Legarda na kailangan muna nilang marinig ang nasabing ‘tape conversation’ bago sila magbigay ng komento. Kapwa naman duda ang dalawa sa katotohanan ng tape.
Powered By Blogger