Wednesday, July 25, 2007

OFWs, nawalan ng halaga

Ulat ni Joanne Rotone
WEDNESDAY · JULY 25, 2007

Mistulang walang halaga kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang bilyung-bilyong pisong remittances ng milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) na siyang nagiging sandigan ng gobyerno sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Liza Maza bilang pakikiramay sa mga nagtatampong OFWs na nakalimutang kilalanin ni Pangulong Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Sa panayam kay Maza, sinabi nitong hindi masisisi ang mga OFW na magtampo kay Arroyo dahil sa kabila ng kanilang mga isinakripisyo ay hindi sila pinahahalagahan ni Arroyo.
"Oo nga naman, matindi ang sakripisyo ng ating mga OFW, hindi man lamang sila nilingon ni Gloria. Ano naman ‘yung pasalamatan sila kahit papaano," ani Maza.
Magugunitang bagama’t nabanggit ni Arroyo ang mga OFW sa kanyang talumpati, hindi naman ito nagbigay ng kaukulang pagkilala at pasasalamat sa kontribusyon ng mga kababayang nagtatrabaho sa abroad sa paglakas ng piso sa halip ay mistulang inangkin nitong lahat ang kredito sa paglago ng ekonomiya.
Ipinaliwanag ni Maza na kung hindi dahil sa OFWs, hindi magkakaroon ng maraming reserbang dolyar ang Pilipinas. Bagama’t sila ang natatamaan sa paglakas ng piso kontra dolyar, ang mga OFW ang dahilan kaya pumalo ngayon sa P45:$1 ang exchange rate sa Pilipinas.
Maliban dito, wala ring inilatag na programa ang administrasyon para pangalagaan ang mga OFW gayong maraming manggagawang Filipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nahaharap sa mga kaso at problema.
Powered By Blogger