Wednesday, July 25, 2007

PGMA, 'di pa rin bababa sa 2010

Ulat ni Fonsi Elca
WEDNESDAY · JULY 25, 2007

May balak pa rin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na manatili sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino sa 2010 dahil sa mga matalinhaga nitong pahayag sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) sa Kongreso noong Lunes.
Ito ang pag-aanalisa ni Senate majority leader Francis ‘Kiko’ Pangilinan matapos na hindi sabihin ng Pangulo kung kailan siya bababa sa puwesto kasabay pa ng babala na susuwagin niya ang mga taong magiging sagabal sa pag-asenso.
"Sinabi niya ‘when I step down’ ngunit ‘di niya sinabi kailan. Sinabi niya ‘di siya magiging hadlang sa ambisyon ng iba sa 2010, ngunit may hirit pa, na huwag lang silang maging hadlang sa progreso. So, ang tanong: ang progreso ba ay naka-angkla sa kanya?" pag-uusisa ni Pangilinan.
Ipinaliwanag ng senador na parang pinalalabas ng Pangulo na mananatili pa rin siya sa puwesto kung may mga taong hahadlang sa progreso ng bansa.
Aniya, dapat umanong maramdaman na ng Chief Executive na ayaw na sa kanya ng taumbayan, patunay rito ang resulta ng nakaraang senatorial elections kung saan tatlong kandidato lamang mula sa administrasyon ang nakalusot.
"Maliwanag sa huling eleksyon, na ayaw na ng taumbayan sa kanya. Kailangang maging vigilant ang mamamayan at mapagbantay upang di mangyari ito," diin ni Pangilinan.
Umani naman ng kantyaw mula sa Kamara ang pahayag na ito ni Pangilinan na nauna na ring inilutang ni Senate President Manuel Villar.
Tinawag ni Palawan Rep. Antonio Alvarez ang pahayag ng dalawang senador na "way off line".
"Either they were asleep or they didn’t hear what she said. She will not be talking about legacy if she’s not leaving. She even said to the effect that her successor will harvest the fruits of the reforms she had planted," ayon kay Alvarez.
Powered By Blogger